Inspirasyon!

 

Tinanong mo ko bakit di na ‘ko nagsusulat… Natahimik ako bigla. Wala ako masagot sa simpleng tanong na yun. Wala siguro akong inspirasyon noon, o hinayaan ko lang lumipas ang bawat pagkakataong naisulat ko sana, na buburahin ko rin pagkatapos…

Pero iba na ngayon. Mas gusto kong permanente na lahat. Marami akong gustong gawin, sabihin, ikwento. Masaya…

Bukas magsusulat ako ulet.

Dito.

Nakita na kita.

Kung Matulog Ka’t Maligaw

Kanina sa bus.

Gusto kong itulog ang sakit ng ulo ko kaso si Kabayan masyadong malakas ang volume ng pakikipagkwentuhan kay Manong Driver na Kabayan din. Nagigising ako sa bawat tawa ni Ateng kay Kuya, parang nagliligawan lang. Ako naman nakikipaglaban sa sakit ng ulo at antok. Namalayan ko na lang parang iba na ang dinadaanan ng bus. Lumagpas na pala ako. Ang simpleng idlip ay nangyari siguro pagkababa ni Ateng, nung panahong tumahimik ang paligid at ipinaghele ako ng “You Gave Love a Bad Name” ni Bon Jovi sa player ko,  at nagderecho hanggang sa lumagpas na ko sa dapat babaan. Anak ng tipaklong, lalo yata sumakit ang ulo ko, hindi ko pa naman kabisado ang Gold Souq.

Gusto kong tawagan yung friend ko at tanunging kung nasaan na ba ako? Siguro ang magiging conversation lang namin ay ganito:

Friend: Ano yun?

Ako: Alam mo ba kung nasaan ako ngayon?

Friend: Hindi ko alam.

Ako: Pwes, hindi ko rin alam!

At sandamakmak na lait ang mapapala ko. huhu

Hindi pa masyadong Big Time ang init ngayon sa disyerto kaya pwede pa maglakad. Lagi ko iniisip dati na kapag maligaw ako, mas matututunan ko kung nasaan ako at mas makakabisado ko ang daan. At napagdesisyunan kong lakarin yung pakiramdam ko makakarating ako hanggang office. May araw pa naman kaya hindi mahirap maglakad.

Lakad lakad. Natutuwa naman ako sa dinadaanan ko. Ang daming ibat ibang tindahan ng spices, sapatos, bag, pabango, mobile phones, damit, accessories, exchange, at kung anu-anong anik-anik. Sayang di ako nakapag picture.

Lakad lang, hanggang nakita ko yung mosque na malapit sa intersection katapat ng Police Station, ilang thumbling lang nasa office na ko.

All is well, nakarating din ako kahit medyo pinagpawisan ang kili-kili ko. Ngayon kahit makatulog at lumagpas ako ulet, alam ko na ang daan.

Parang Life lang yan eh, kung di ka maliligaw at di ka magkakamali, wala kang matutunan.

I, Thank  You. Bow!

Happy Birthday Uncle

21.02.10, Doh.Qa

Kamusta po?

Sana okay kayo dyan kahit wala ako. Alam kong miss nyo na rin ako kahit pasaway ako noon. Salamat po sa pagtitiwala at pagtatyaga sa min, Kayo lagi ang tagapagtanggol namin mula sa lahat ng elemento ng mundo. Kayo rin ang nagturo sa ming maging matatag kahit wala na ang Tatay at Nanay. Mula sa pagsulat, pagbasa, pag-unawa sa mga bagay na kahit hindi namin maintindihan noon, at hindi lahat ng masasayang bagay ay para sa amin. At lagi kayong nandyan para pagaanin ang lahat.

Natatandaan ko pa po ang bawat pagkarga nyo samin pag nakakatulog kami sa sala, Ang bawat haplos sa noo kapag nagkakasakit, Ang bawat sine at shopping session pag magpaPasko, Ang bawat pasalubong pagkagaling nyo sa trabaho. Ang bawat gabing alam kong di kayo makatulog dahil kailangan ko na namang magbayad ng tuition sa school, At alam kong nasaktan ko kayo nung panahong di ko kayo kinakausap dahil sa pagiging maldita at makasarili ko. Sorry po.

Natatandaan ko pa lahat noong ako pa ang prinsesa nyo. (Hanggang ngayon naman di ba?)

Mahirap po talaga pag walang magulang, mamalimos ka ng lahat ng pagmamahal pero hindi lang po pagmamahal ang binigay nyo sa min, binigyan nyo po kami ng bagong buhay, lakas at kakayahang magpatuloy sa buhay kahit hindi kami sigurado kung magiging okay ang lahat.

Twenty-six na rin po ako sa nalalapit na panahon at alam kong ganun ang edad nyo noon nung kinuha nyo kami. Napakabata nyo pa para sa isang napakalaking responsebilidad na hindi nyo rin inaasahan. Binigay nyo rin ang sarili nyong buhay para sa amin.  Kayo ang naging Nanay at Tatay para sa amin. Hindi man tayo ganun ka-open para sa mga emosyonal na bagay, Sana mabasa nyo to at sana naramdaman nyo po na nagpapasalamat po ako sa lahat. Hindi po kayang tumbasan ng kahit magkanong pera, kahit gaano kagandang salita, kahit ano pang bagay ang lahat ng binigay nyo sa min. Hindi man po halata at hindi man ako masalita sa bahay natin, hindi ko po nakakalimutan na wala ako sa dito ngayon kung hindi dahil sa pagmamahal nyo. Salamat po Tiyo Vic.

Mahigit dalawang dekada na rin ang lumipas, at kahit ilang dekada pa ang dumaan, nandito lang po kami, Ngayon ako naman ang mag-aalaga sa inyo + sa malikot na makulit nating Miguelito sa bahay, (oo Mic, ikaw nga=).

—-

Sa mga humusga sa min noon., Malalaki na kami ngayon, Belat!!!

So long 2014..

Ilang minuto na lang baong taon na. Ang daming nangyari sa ‘kin ngayong 2014. Kahit medyo shaky sa simula, bongga pa rin naman. Mas naging health conscious ako, ikaw ba naman ang laging sumasakit ang batok pag di ka nakapag-isip maging mas healthy ewan ko lang. Gusto ko pang mabuhay hanggang forever kasama ang Mahal ko.

Ngayong taon na to narealize ko na simple lang naman lahat ng bagay. Yung mga tao lang ang nagpapakomplikado. Sisikat at lulubog ang araw para sa lahat, magalit man tayo lagi sa mundo, sisihin man natin ang bawat tao sa mga nangyayari sa paligid natin, wala namang mangyayaring kakaiba. Lahat talaga ng changes nagsisimula sa sarili. At ngayon, tina-try kong di na lagi mainis, hindi healthy lalo na sa puso. Minsan may mga bagay tayong sana magbago sa kapwa natin pero dahil hindi sila tayo, hindi sila aware na umaasa ka na sana magbago din sila. Tulad ng di rin tayo aware na umaasa din siguro sila na may baguhin din sana tayo.

Sa taong ‘to naging mas responsible siguro akong anak, kapatid at pamangkin. Yung mga nakaraang taon, nambola lang siguro talaga ako. Ngayon mas ramdam ko na appreciated nila ang ginagawa ko kahit paano. Mas close ako sa family. Nagawa ko na rin ang first step para sa plan ko para magreunite ang ‘long separation’ ni pudrax & mudrabels. Sana maayos na lahat ngayong 2015.

Nakabili ako ng property ngayong 2014, magsisave na lang ako ng bongga para sa sunod may sarili na talaga akong address, hihihi.

Sa 2014, thirty years na kong nakikisalo sa oxygen ng mundo. At tulad ng sinasabi ng lahat ng kamag anak ko tuwing uuwi ako, kelan ba ako mag-aasawa? Tulad lang din naman ng sinulat ko sa isang essay ko nung collage, requirement ba ang asawa para maging kompleto ang buhay ko sa mundo? Hindi ba pwedeng walang pressure sa lahat ng bagay? Basta Masaya lang, hindi pa ba okay yun? Ngayong 2015, pagiging masaya ang #1 resolution ko. Dun na lang ako focus. Mas magiging masaya ako ngayong 2015 kasama ang mga Mahal ko. Kasama ng Mahal ko.

Happy New Year sa ating lahat. Maging masaya sana tayo lagi.

Same Shit Different Toilet

Same Shit Different Toilet

 

Ano ba ang pinakamahirap mangyari sa’yo ngayonn summer? Magpapayat? Magtipid? Magkaboyfriend? Magkagirlfriend? Ewan ko sa iba pero ang pinakamahirap mangyari sa kin ngayon sa mga sandalaing ‘to ay magka-diarrhea at reglahin. Kahit kanino naman mangyari ‘to mahirap talaga, bukod sa unti unting nauubos ang lahat dugo at tubig sa katawan mo, masakit sa puson, sa p’wet at pinakamasakit ang init ng tubig na kailangang tiisin dahil hindi sapat ang tissue lang.

Magulo na ang utak ko noon pa pero mula noong umalis ako sa bahay, naging parang pagkain at pagtae ang lahat. Same process: I eat some, no not some, I eat more, I get fat, I try to lose weight, I shit, I feel better and then I eat again. Same with my life, same shits different day, sometimes just different toilet.

 

Minsan pa, yung mga sa tao sa paligid mga ano rin eh no? alam mo yung dagdag stress? Yung iba naman lahat na lang kailangan nilang sabihin sa’yo, kung natatae sila, nauutot at kung anu ano pang reklamo nila sa buhay. Hindi dahil sa hindi ako good listener, I’m the best listener I know in town pero hwag naman lagi. Nakakakulili at ayoko ng another stress. Hindi ako sponge o toilet bowl na kayang i-flush lahat ng shits, more on yung ibang naabsorb ko na stress nagiging parang fats na dumederecho sa layer ng bilbil ko, kamote!

Minsan din, kahit ginawa mo na lahat ng kaya mong gawin para sa isang tao, darating pa rin yung time na wala ka lang sa kanila. “Just just” ba!

Katulad ng bawat pagkain, kahit gaano kasarap lahat, shits pa rin ang ang ending. Pero sana sa lahat ng kinain ko, may nutrients pa rin sana na pumupunta sa utak ko para makapag isip ako ng matino o maging healthy rin ang puso ko, hindi lang dahil sa ayoko na maulit ang palaging mataas na blood pressure, pero para makapagsimula ulet ako ng maayos. Gusto ko pang magmahal ng magmahal. Love, love, love. Kahit enemies ko dati love ko na rin ngayon, wala ng hard feelings. Sa mga nang api sa kin, kita kita na lang tayo sa finals!

Sana kahit anong shits pa ang mangyari sa bawat araw, sana di pa rin ako magsawa. Dahil nakakasawa rin maging mabait, makinig, magbigay at magtry ng bawat bagay tapos natatapos din sa wala.

 

shit happens

 

Got the picture from Pinterest

Naubusan Nang Title

Minsan isang araw magigising ka na lang na hindi na Vodka ang paborito mong alak. Wala ng dating ang mga bandang kinalolokahan mo dati. Ayaw mo na rin maglaro ng kahit anong online games kahit nasa’yo ang lahat ng oras sa mundo. Yung mga kaibigan mo dating araw araw mong nakakasama, ni hindi mo na nakakusap ng ilang taon na. Yung masasakit dati na nangyari, tinatawanan mo na lang ngayon.

Marami na ang nagbago. Trenta na ko ngayon. Kung noon lagi kong sinasabi na bata pa ang twenty-six at nakakulili sa tenga ang paulit ulet na “kelan ka mag-aasawa?” Shet! ngayon ko naisip, kelan nga ba?

Maraming nangyari, maraming marami. Baka maiyak pa ko pag inisa isa ko pa. Lumiko, bumalik, naligaw, umuwi, umalis, nakita, nawala, nalungkot, umiyak, nagsawa, nagbago. Lahat sa pagbabago natatapos. Kahit yung siguradong sigurado mo ngayon, bukas magdududa ka na kung yun pa rin ang gusto mo.

Marami akong pasakalye, isa lang naman ang gusto kong sabihin. Iba na ang destination ko at di na kita masasamahan sa byahe mo. Pasensya na, akala ko hanggang dulo pa ko, dito na pala ang babaan ko.

Malayo layo din ang nalakbay natin, ang daming kwento, maraming lugar, at marami ring nakasama sa byahe. Sumakay, bumaba, yung iba siguro nakarating na rin sa destination nila. Pero dahil tapos ang part nila sa byahe natin, kailangan nating magpatuloy. At ngayon nga, bakante na yung katabing upuan mo. Sana may makasama ka ulet at mas maging masaya ang byahe mo. Yung mas maraming kwento. Sana hwag kang magsawang maghintay ng bagong kasama sa byahe ng buhay. Sana yung susunod na makatabi mo sa upuan, katulad na ng destination mo. Sana mas maging masaya ka kahit hindi na ako ang kasama mo. Ingat ka rin palagi.

Corre Corre Corazon

Marami rami na rin akong nadownload na banyagang kanta

Kalimitan di ko talaga naiintindihan ang lyrics

Wala akong naiintindihan kahit isang salita sa bawat linya

Pero maganda ang tunog

Parang sinusuyo ang tibok ng aking puso.. inaamo…

Pinapakalma ang bawat hinanakit sa aking puso.

 

 

At nasanay ang aking tenga sa malamyos na himig.

Hindi man naintindihan ng aking isip pero masarap sa pandinig.

Hanggang sa dumami na pala ang aking nanakaw na kopya, salamat sa 4shared

 

 

Parang pag-ibig din pala ang banyagang kanta

Marami rami na rin ang pagkakataong naramdaman kita.

Dumating, sumaya, nagtagal, nasaktan, nainip, nawala, umalis, nalimot,.

 

 

Iba iba ang pakiramdam sa bawat stanza

Inosente sa una

natuto sa pangalawa

nagloko sa pangatlo

naubos ang emosyon sa pang apat

naglaro sa panglima

Hindi ko na pala maramdaman yung pang-anim hanggang pang ilan na nga ba?

 

 

Hindi siguro nagkakalayo ang ritmo ng tibok ng aking puso at ng banyagang kanta

Kaya kahit mula intro hanggang coda,

Gaano man kalamyos sa pandinig, o gaano kasarap sa tenga,

Dahil hindi ko pa rin maintindihan ang bawat salita sa musika,

Walang subtitle sa lyrics, walang naunawaan kundi ang lamyos ng himig.

Walang natandaan bukod sa tunog ng instrumentong ginamit,

Nawalan ng kahuluganan ang sanay napakahalagang linya..

Ni wala akong ideya kung nasulat ang “Mahal Kita”.

 

 

Nakakalungkot pala…

Hindi ko na rin maintindihan na ang aking pagsinta

Hanggang ngayon pala, hindi di pa rin kita kilala.

 

._._._._._._._._._._._._._._._._._._._._._._._._._._._._._._._._._._._._._._._.